Sabado, Hunyo 10, 2017

TRADISYONG PAGBIGKAS

MULA SA TRADISYONG PAGBIGKAS

ANG TRADISYONG PAGBIGKAS
-ay nakilala sa kapuluan sa kapanahunan ng unang tulang tagalog.
Nahati ito sa dalawang katawagan
1.      Patugmang bayan-binubuo ng 2 o 4 na taludtod at may sukat at tugma. Tulad ng kasabihan ito ay tinatawag na Mother Goose Rhymes sa Ingles.


2.      Kantahing-bayan

Halimbawa ng Tugmang Pambata

1.      Bata bulala,
Isang baong muta.
2.      Isa, dalawa, tatlo
Ang tatay mong kalbo
Umayat sa mabolo,
Inaabutan ng bagyo.
3.      Tutubi,tutubi
Huwag kang  pahuhuli
Sa batang mapanghi.
4.      Gaya-gaya puto maya
Nakapulot ng isang pera,
Ibinigay sa asawa
Pambili ng kanyang saya.
5.      Ulan, ulan, pantay kawayan
Bagyo, bagyo, pantay-kabayo.
6.      Heto na si Taba
May dalang timba,
Heto na si payat
May dalang patpat.
7.      Buwan, buwan
Hulugan mo ako ng sundang.
Aanhin ang sundang?
Ipagkakayas ng uway.
Aanhina moa ng uway?
Ipanggagawa ko ng bahay
Aanhin moa ng bahay?
Paglalagyan ng palay.
Aanhin ang palay?
Kakainin sa araw-araw.
8.      Saan ka naggaling?
Sa lunggang malalim.
Anong ginawa mo?
Kumain ng saging.
Bakit di mo ako tinirhan?
Kinain ng daga.
Bakit di mo tinaga?
Ako ay naawa.
9.      Pung, pung, kasali
Ipinanganak sa kabibe.
Ano ang anak?
Babae.
10.  Ang batang malikot,
Makakadampot ng ipot
Ang batang mabait,
Walang nagagalit.

Tumaang Ganap na Tula

Ang Tanaga
Ø  Ay tulang tagalog na palasak na sa Pilipinas bago pa dumating ang mga kastila. Ito’y mataas na uri at binubuo ng apat na taludtod na may pituhang pantig.Itinuturing na malayang tula at sagana sa talinghaga.(Rivera, 1982)

1.      Totoong sinungaling
At talagang malihim,
Pipi kung kausapin,
Walang kibo’y matabil.

Ang isa’y sa kaaway
Na marami ang bilang
Ang iyong pangilagan
Ayan! Katabi mo lang!

                    -Ildefonso Santos

2.      “Baging akong kalatkat;
Kaya ako nataas,

Sa balite kumalat
Nakinabang nang taas.”

3.      “Alipusta kayuro;
Kung sino ang kasuno
Ng aso’y di kasundo
Ako’y iyong ituro.
                   
                       -Jose A. Arrogante

4.      “Lunsad na sa bakod
Yayamang pasa bundok;
Bakit marorogosgos?
Walang kukong ikamot.”

5.      “Palay siyang matino
Nang humangi’y yumuko,
Ngunit muling tumayo
Nagbunga ng ginto.”

                   -Ildefonso Santos


Ang Ambahan
Ø  Batay sa mga tula ni Padre Antoon Postma, isang masugid na misyonaryo at tagapaglaganap ng mga lamat at awitin ng mga taong-gubat ng mga hanunuo, isang tribong Mangyan sa lalawigan ng Mindoro ay ipinakilala ang mga sumusunod:

1.      Isang maritmo o maindayog na ptulang pagpapahayag na may sukat at may bilang na pitong pantig sa bawat taludtod at may sintunog at tugma.
2.      Ito’y inaawit nang walang tiyak na tono o akompanya ng anumang instrumentong pangmusika.
3.      Ito’y naglalayong makapagpahayag sa matatalinghagang paraan at malayang paggamit ng matulaing pananalita ng mga katangi-tanging kalagayang tinutula ng makata.

Ang mensahe ay nagpapaliwanag sa makatotohanang kahulugan. Ang ambahan na binigay ni Padre Antoon Postma, SVD ay ukol sa pampayulog ng bata.

Hanunuo
Ingles
Filipino
1.      Kawo danga mag-ingay
2.      Kitam dudulon iyay
3.      Iyan ginan sa dipay
4.      Mabulatok sa sulay
5.      Marirok kay karamay
6.      Kit ud sulay imatay
7.      Kanta utak nalunday
8.      Kantan bangkaw inunay
You, my baby don’t make noise
Some strange animals might come
Coming from across the streams
Knocking on the house he will,
With his glistening sharp claws,
No weapons for us to kill;
Our bolo is useless
Rusty is our spear and blunt
Ikaw bata ay huwag maingay
Ilang di kilalang hayop maaring dumatal.
Magmula’t daraan sa batisan
Kakatok siya sa pintuan,
Ang mga kuko’y  matatalas makikinang,
Wala tayong sandatang ipapatay
Gulok nati’y walang saysay
Sibat natin ay mapurol at makalawang


Ambahan ukol sa  paghingi ng pahintulot ng isang anak sa mga magulang para makapasyal
Hanunuo
Ingles
Filipino
1.      Ako no ud ambunan
2.      Ni suyog ni bansayan
3.      Atag waydi magginan
4.      Pasabad way di langan
5.      Su madalugtan addan
If you have nothing object,
Mother. Father both of you
I would like to go
Join my friends on a long trip
Say goodbye and leave the house
Kung kayo’y walang pagtutol
Nanay, Tatay ko.
Nais kop o munang lumayo.
Sumama sa mga kaibigang mamasyal
Sa inyo’y paalam at ako’y lilisan.


Ang Haiku
Ø  Ay tulang binubuo  ng labimpitong pantig  ang saknong na may tatlong taludturan. Ang unang taludtud ay may limang pantig, ang ikalawa ay may pito at may limang bilang ng pantig ang pangatlo.

Halimbawang taludtod ni Gonzales at Flores:

Ulilang damo
Sa tahimik na ilog
Halika sinta

Hila mo’y tabak…
Ang bulaklak naginig!
Sa paglapit mo


Kantahing Bayan
Ø  ay inaawit ng mga katutubo sa isang pook o nayon na siyang kinikilala natin ngayong katutubong awiting-bayan. Ang kantahing-bayan ng ating katutubo ay maririnig sa tuwing may mga pagdiriwang o okasyong idinaraos tulad  ng pag-iisang dibdib, pagtatanim, paglalamay sa patay, pagpapatulog sa bata at marami pang iba.
URI NG KANTAHING BAYAN
1.      Oyayi (Tagalog) o Dayya (Ilokano). Ito’y awit sa pagpapatulog ng sanggol, malambing itong inaawit ng ina habang ipinaghehele ang sanggol.

Matulog na aking bunso,
Ang ina mo ay malayo,
Hindi ko naman masundo,
May putik at balaho.
O di kaya’y
Meme na nag batang munti,
Isisilid ko sa gusi,
At pag dumaan ang pari,
Ipapalit ko ng salapi.

2.      Kundiman sa Tagalog o Pamulinawen sa Ilocano, Balitaw sa Bisaya at Uso sa Negrito. Ito’y mga awit ng pag-ibig na karaniwang inaawit ng isang binatang sumisinta o maari rin namang awit ng dalagang umiibis sa binata.Ito ay tinatawag na harana o panambitan.

Ang ale kong Neneng, maganda’t marikit,
May tala sa noo, may buwan sa dibdib,
Ang sinasaksi ko ay Diyos sa langit
Kung dayap ka lamang, kita’y isinukbit.

3.      Diona. Ito ay awit-pangkasal na inaawit ng mga katutubo noon kapag ang kanilang kanayon o katribu ay nakikipagtaling-puso sa kanilang iniibig.

Salagan bay salagan
Yag timbang galaw duyan
Indilihan onayan
Semadeng cogayfan
Ya hakahad ya sabongan
Yafag salud bugtungan
Hodandeg sagonlangan
Saludan di permawan

Salin sa Tagalog
Matulog ka na , matulog ka
Ako sa yo’y sumsamo
Tayo’y pakakasal
Sumasamo ako sa iyo
Sabihin mong ako’y iyong mahal
Ikaw na aking iniibig
Sana’y akin ka lamang
Na sa yo’y nagmamahal
Nagyon at magpakailan pa man
              (Milagros B. Macaraig)

4.      Kumintang o Tikam o Tagumapay.  Ito’y isang awit pandigma at mauri bilang awit na nagpapahayag ng pagmamahal sa bayan. Ayon sa iba-ibang manunulat , ang kumintang ay tinatawag na ring kundiman dahil sa temang pag-ibig. Ayon kay Sauco, ang kuminatng ay nagtataglay ng malungkot na himig tungkol sap ag-ibig na inaawit ng mga mandirigma.

Ako’y ibigin mo lalaking matapang
Hindi natatakot sab aril-barilan
Ang sundang ko’y pito ang baril ko’y siyam
Isang pinggang pansit ang aking kalaban

Halimbawa ng Tikam o Tagumpay

Akong makisig at kilala sa tapang
Di palulupig sa libo mang kaaway
Di mapapasuko sa anumang laban
Haharapin ko ang mga digmaan
Tagumpay ko’y handog sa ina kong bayan.
     ( Milagros B. Macaraig)

5.      Talindaw O soliranin. Ito’y  awit na may kaugnayan sa pamamangka. Ang Talindaw o Soliranin ay inaawit habang namamangka ay masiglang sumasagwan o gamagaod.
Halimbawa:

Mama, mamang namamangka,
Pasakayin yaring bata;
Pagdating sa Maynila
Ipagpalit ng manika.




Si Noe’y gumawa ng arka
Si Noe’y gumawa ng arka
Inutusan s’ya ng Diyos
Bumuhos ang ulan at bumaha
Bumuhos ang ulan at bumaha
Noe, Noe, pasakay aman,
Nalulunod na kami
Ang sabi ni Noe, hindi pwede,
Ang arko’y sarado na.
Sagwan, sagwan, umaalun-alon,
Sagwan, sagwan, umaalun-alon,
Sagwan, sagwan, umaalun-alon,
Sagwan. . . umaalun-alon.
                 (Milagros B. Macaraig)

6.      Dung-aw. Ito’y awit sa patay . Ayon kina Dr. Arsenio Manuel at Jose Villa Panganiban, ang dung-aw ay isang awit patungkol sa patay.Ang awit  ay nagsisilbing panaghoy at panambitan para sa namimighati o naulila. Inaawit na parang “nakikipag-usap sa yumao kung saan nasa anyong pakiusap sa yumao na magpabuti sa kabilang buhay”.

Halimbawa  ng awit sa kabiyak para sa yumaong asawa:
O, mahal kong asawa,
Ano’y iniwan mo
Ako’y yung inulila
Paano ang buhay ko?

Umalis ka nang walang paalam
At ako’y sa lunggati iniwan
Bakit kaya ganon aking mahal
At ako ngayon ay nilisan?

Sigi na giliw ko, ako ay ‘yong kausapin,
At mga pagkukulang ko sa aki’y sabihin,
Sa maling nagawa ko ako ay patawarin,
Hinanakit mo giliw, sa akin ay alisin.

Ang kabutihan mo ay di ko malilimutan
Ang dakila mong pag-ibig aking iingatan
Ang pagmamahal mong labis aking tatandaan,
Babaunin ko rin hanggang sa kabilang buhay.

Oo, irog ko, O buhay ko, sa iyong pagpapanaw
Ako’y lagging malulungkot at sa araw-araw;
Hahanapin ko haplos ng iyong pagmamahal.
At ngayong nariyan ka na, isama mo ako
O, mahal kong asawa at buhay nang buhay ko,
Huwag kalilimutan na ako’y hintayin mo
Sa kinalalagyan mo ay susunod din ako.
                        (Macaraig, 2003)

Halimbawa ( Benguet):
 Ako’y kaawaan , o aking kapatid!
Ako’y kaawaan , moa king asawa!
Ikaw’y namatay, o aking kapatid
Ikaw ay namatay , o aking asawa. . .
Ano ang natira’t sa aki’y naiwan.
Sa abang buhay kong walang kapalaran?

 Ang lahat sa akin ay makalilimot Pagkat parang sanggol sa iyo’y umiirog!
Ang mga mata ko ay pugto sa luha…
Ang abang puso ko ay babad sa luha…

At pagkat talos kong sa iyong libingan,
Kahit anong aliw di ka mahahatdan;
Lalong nanlulumo ang dibdib sa dusa,
Tunaw sa hikbi ko ang aking pag-asa

Sa gawaing maga’t mabigat,
Hahanapin kitang katulong sa lahat,
 Sa pagpapatuka sa ating manukan,
Paggapas ng kumpay para sa kalabaw;
Sa pagpapakain ng baboy ay ulbo,
Ang hahanapin ko’y katabing kasuyo…

Pag di ka nakita, puso’y madudurog,
Katulad ay abo ng mga himutok!

-P. Alphonse Claerhoudt
(Mula sa Panitikan ng Pilipinas ni Jose Villa Panganiban, et al., 1972)

7.      Dalit o Himno. Sa lumang panitikan ito ay awit tungkol sa anito Sa ngayon ito ay awit panrelihiyon.

Halimbawang dalit:

Ligas, ligas, ligas, asawa kita bukas
Ligas, ligas, ligas, asawa kita bukas
Ligas, ligas, ligas, pakakasal tayo bukas
Ligas, ligas, ligas, asawa kita bukas
Ligas, ligas, ligas, pakakasal tayo bukas.
(Paulit-ulit lamang)
      ( Milagros B. Macaraig)

Himnong Panrelihiyon ( Kung buwan ng Mayo sa mga katagalugan)
Itong bulalak na alay
Ng aming pagsintang tunay
Palitan mo Birheng Mahal
Ng tuwa sa kalangitan

Dalit patungkol kay Birheng Maria ( Bahagi ng novena sa simbahang katoliko)
O Maria tutulungan
Kaming nangabubuhay
Kami ay ipanalangin
Kung kami’y mamamatay

8.      Aringginding- ginding. Awiting nakilala sa Silangang Mindoro na nagpapahayag ng panunukso ng binate sa isang dalagang nais ligawan. Nagsisilbi itong parinig o parunggit ng binate sa dalaga para kahit papaano ay pansinin siya.
Aringginding-ginding, ang sinta ko’y limang bagay
Aringginding-ginding, may sa puso at sa atay
Aringginding-ginding, may sa noo at sa kilay,
Aringginding-ginding, may sa dulo ng kalingkingan
Aringginding-ginding, ang sinta ko’y tunay mandin, aringginding
Aringginding-ginding, malinaw pa sa salamin, aringginding
Aringginding-ginding, kung sana sa ilawin, aringginding
Aringginding-ginding, ang sinta ng bagong kasal, aringginding
Aringginding-ginding, matamis pa sa asukal, aringginding
Aringginding-ginding, pag lumaon at tumagal, aringginding
Aringginding-ginding, parang sukang binantuan.
Aringginding-ginding, ang sinta ng matatanda, aringginding
Aringginding-ginding, parang bigas na pinawa, aringginding
Aringginding-ginding, pag nalagpak sa lupa, aringginding
Aringginding-ginding, manok man ay di tumuka.
Aringginding-ginding, ang huni ng ibong pipit, aringginding
Aringginding-ginding, nasa dulo ng kalumpit, aringginding
Aringginding-ginding, pag ang dalaga ay pangit, aringginding
Aringginding-ginding, biruin mo’t magagalit.
Aringginding-ginding, ang huni ng ibong maya, aringginding
Aringginding-ginding, nasa dulo ng papaya, aringginding
Aringginding-ginding, pa gang dalaga’y maganda, aringginding
Aringginding-ginding, biruin mo’t tumatawa.
Aringginding-ginding, ang salita ko’y wala rito, aringginding
Aringginding-ginding, nasa kabilang ibayo, aringginding
Aringginding-ginding, kaya ayaw pumarito, aringginding
Aringginding-ginding, nahihiya raw sa ‘yo.

          ( Macaraig, 2003)
Mula sa sipi ng Lalawigan